Miyerkules, Hulyo 23, 2014

TUNAY NA GURO!

TUNAY NA GURO!

Hindi matatawaran ang anumang tulong na naibigay kapag ito'y dumating sa oras ng pangangailangan... kaya naman, madalas hinahanap natin ang taong ganito sa ating buhay. Ito'y katulad din ng ating mga magulang na nagpalaki sa atin at nagpuno sa mga pangangailangang tutugon sa ating pagkatao.

Sa tahanan nasisimulan ang anumang bagay na ating dadalhin sa labas at totoong buhay na sinasabi ng karamihan. Ang paaralan naman ang tutugon sa paghubog ng ating pagkatao... sa mga tamang gawi at asal na sa tahana'y nasimulan. Kasama na rito ang kaalaman na salat minsan sa ating mga tahanan.

Ang ating mga guro ang tumutugon sa kakulangan ng ating pagkatao... sila ang gumagabay sa ating paglaki mula elementarya, sekondarya hanggang sa kolehiyo at tayo'y magkaroon ng trabaho. Naaalala kasi natin ang mga payo ng ating mga paboritong guro at mga leksiyon nila na nagamit natin ng sobra sa panahong tayo na ang tumatayo para sa ating kapakanan sa buhay.

Naaalala ko ang isang kwento ng aming guro sa Araling Panlipunan. Mayroon siyang nakasalamuhang mga mag-aaral na salat sa kaalaman at tamang gabay ng magulang. Pumapasok ito ng hindi man lang handa sa kanyang mga aralin at pati na rin sa kanyang takdang aralin. Bonus pa rito ang paghithit ng mariwana bago pumasok sa paaralan. Ito'y dahil na rin sa mga kabarkada at ang masakit ay halos buong pamilya ay normal lang ang droga.

Tahimik lang ang aming guro sa pagsubaybay sa mga mag-aaral na ito at hinahanap niya ang landas na pwede itong magbago at magkaroon ng magandang kinabukasan. Panay kasi ang reklamo ng mga naging guro at kasalukuyang mga guro nito dahil sa angking ugali.. sumasagot, nang-aasar, nambubully, bangag, nananakit, nagka-cutting classes, naghahamon at marami pang iba... sa kabila ng ganitong ugali ay naging positibo pa rin ang aming guro sa kanila dahil alam niyang may bukas para sa kanila.

Upang malaman ng aming guro ang tunay na kalagayan ng mga mag-aaral na ito... sinubukan niyang pakisamahan. Kapag may gathering o birthday celebration ang klase na dadalo ang mga mag-aaral na ito ay sumasama siya para naman magkaroon ng bonding. Sa mga okasyon ding iyon natuklasan ng aming guro ang kabutihan sa loob ng mga pasaway na mag-aaral na ito. Isang araw kasi sa piging ay nagawang mag-inuman at magsaya ng mga mag-aaral at naglaon ay lumalim na ang gabi, marami na ang nalasing kabilang na ang mga mag-aaral na ito.. nagkanya-kanya nang upo at pahinga ang ilan at ang iba nama'y umuwi na. Naiwang madumi ang lamesa at kailangan nang linisan.. hindi na noon nag-antay ang mga mag-aaral na ito na utusan... nagkusa silang linisan ang lamesa at dalhin sa kusina ang mga hugasin at winalisan ang maduming sahig. Hindi ito naisip gawin ng mga matitinong estudyante pero sila na pasaway ay nagawang gawin.

Ilang beses pa ring nangyari ang ganoong insidente at napatunayan naman ng aming guro na may kalinisan sa kanilang puso kahit pa mukhang sanggano at walang magawang matino sa aming paaralan.

Lumipas ang maraming buwan at dumating na ang paghuhukom sa mga magtatapos at hindi. Siyempre pasaway ang mga mag-aaral na kaya kabilang sila sa hindi magmamartsa sa entablado ng katapusan. Sinubukang ilaban ng aming guro ang mga batang ito para magkaroon sila ng titulo bilang - HIGH SCHOOL GRADUATE! nagawa naman ito ng aming guro at nakagraduate sila. 

Katatapos lamang noon ang graduation rites at kanya kanyang pa-picture ang mga nagtapos... maraming masasaya at buo ang pag-asa sa buhay... habang sa bandang kanto ay may isang taong tuwang tuwa... masayang masaya ang mga mag-aaral na ito na ipagmalaki ang kanyang diploma sa kanyang mga kabarkada. Siyempre super proud siya sa kanyang sarili... paano nga bang hindi? e sa kanilang angkan.. siya pa lamang ang nakakakuha ng high school diploma.

Sa puso't isipan ng aming guro ay tama ang kanyang naging desisyon na bigyan ng pagkakataon ang mga mag-aaral na ito na makatapos at makatungtong sa kolehiyo. Masaya rin siya na may sumaya dahil sa desisyon niya.

Sa ngayon, kumukuha ng kursong edukasyon ang mga mag-aaral na ito... gusto raw atang tapatan ang naging paghihirap ng kanilang mga guro sa kanila.

Nakakatuwang isipin na ang mga paghihirap ng aming guro ay nagbunga ng maganda sa kanyang mga mag-aaral. Hindi rin biro ang kanyang dinanas para magkaroon ng pagkakataong lumigaya ang mga mag-aaral na ito. Hindi lang naman kasi sa loob ng paaralan natatapos ang trabaho ng pagiging guro kundi 24/7 ika nga. Anytime kasi tinatakbuhan ang mga guro para sa mga payong pwede nilang ibigay pati na rin ang malinis at wagas na gabay sa mga mag-aaral. Minsan nga tinatalo pa nila ang ginagawa ng tunay na magulang.

Bilang guro, ang kanilang propesyon ay hindi matatawaran lalo't ito'y nagmumula sa kanilang puso. Hindi lamang sila nakatuon sa pagbigay ng lesson sa loob ng silid-aralan... kundi maging modelo sa kabataan sa loob at labas ng paaralan.

Yan ang aming guro... ang TUNAY NA GURO!

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento