Miyerkules, Nobyembre 20, 2013

Cyrus @ 2nd


Dalawang Taon Na Siya!

Dalawang taon na ang nakalipas mula ng maramdaman ko ang hindi pangkaraniwang pagsabayin ang aking trabaho at ang aking pamilya. May isa na akong anak noon nang masundan ng isa pang malusog na anghel.

Natatandaan ko pa at nararamdaman hanggang ngayon ang hirap noong bago at isilang ang pangalawa kong anak. Bago pa man siya isilang, naunang nakapasok na ako sa institusyon at nakibahagi sa pagbabago ng pananaw ng mga kabataan. Binigyan ako ng mabigat na trabaho ng Head ko para raw maging training ko dahil bago palang ako sa institusyon. Tinanggap ko iyon dahil makabubuti sa akin iyon para maging mahusay ako subalit hindi pala nang mapagtanto ko nang huli. Binigyan niya ako ng walong oras na trabaho na iba sa anim na oras na pasok lamang ng ibang kasama ko. Binigyan din ako ng maraming preparasyon para mahirapan ako at mawalan ng oras sa pamilya at nakatutok nalang sa trabaho. Ginamit ko pa nga noon ang sabado't linggo para lang sa paghahanda ko sa tatlong subject na itinuturo ko... kasama na rin ang paggawa ko ng halos apat na lesson plan kada araw para sa iba't ibang subject at year level na hawak ko. Pinilit ko namang lampasan ang mga paghihirap na iyon dahil alam kong makakaraos ako.

Ilang araw palang noon ng mag-labor na ang aking asawa para sa pangalawa naming anghel. Kahit na sa public na ako... hindi ko naman nagamit ang paternity leave ko... kaya naman, gigising ako ng maaga noon para makapaghanda sa aking lesson kasunod ang pagpasok at pag-uwi matapos ang walong oras... tutuloy naman ako sa hospital para puntahan ang mag-ina ko at ayusin narin ang mga papeles at ibang dapat ma-accomplish para sa kanyang paglabas. Nagawa ko naman ng hindi ako lumiliban sa aking trabaho. Ni hindi ko noon naisip na GRAVE ABUSE OF DISCRETION na ang nangyayari sa akin dahil sa maliban sa kalokohang pinagawa sa akin... inabuso naman ng mokong kong head ang kanyang power para pasunurin ako. 

Nagpatuloy ang hirap ko noon hanggang umabot sa limang buwan ang aking anak dahil ito ang panahon kung kailan siya kinuha na ni Lord. Hindi birong ituro mo sa mga estudyante mo ang anim na subject na hindi mo naman major o napraktis ng maigi sa kolehiyo pati na rin ang iba't ibang year level sa isang araw at araw araw. Idagdag pa rito ang araw-araw niyang panenermon at pagpapakita ng kabastusan ng pag-uugali. Hindi biro ang sabihin kang bastos matapos mo siyang batiin at replayan ka ng kabastusan at ipaalam na hindi ka marunong gumalang dahil maliban sa mahina na ang taenga... hindi niya narinig ang pagbati ko... well, in fact, hindi siya nambabati kahit pa batiin mo.

Hindi lamang iyon ang naranasan ko sa kanya at hindi lang naman ako ang nakaranas ng ganoong ugali kundi maging kapwa ko guro na nagsisikap na buhayin ang kani-kanilang pamilya. Dahil din sa ganoong ugali at hindi man lang inisip na may kanya-kanya pa kaming pamilya... napabayaan kong alagaan ang pangalawa kong anak para lang makapag-pokus ako sa aking trabaho... busy rin ang asawa ko sa trabaho niya. In short, wala kaming panahon na alagaan ang aming anak... by the way, hindi pala marunong magalaga ang asawa ko kaya ako ang dapat sisihin... dapat hindi lamang trabaho ang inisip ko nun... gago kasing head yun!

Dahil sa mga pang-aabusong iyon... hindi namin napansin na lumalala na pala ang kalagayan ng aming pangalawang anak... in short, yung head ko ang naging dahilan kung bakit nawala sa piling namin ang aming anak. Sana malaman niya.

Ganunpaman, nakalipas na ang mga ito... kailangan lang naming harapin ang hinaharap kahit pa patuloy itong nagpapaalala lalo na kung may okasyong may kinalaman sa anghel na tunay naming anak.

Anak, Wala ka man sa amin ngayon at kapiling mo na si Lord... hindi ka pa rin nawawala sa aming alaala... ni hindi ka mapapalitan ninuman dahil kakaiba ka sa kanila. Bantayan mo kami araw-araw lalo na kapag nananalasa nanaman ang sakit na tulad ng sa iyo. Iparamdam mo ulit sa amin na hindi na maganda ang nangyayari para makapag-adjust kami at hindi mahuli ang lahat tulad ng nangyari sayo. Pasensya na sa kakulangan ng oras para alagaan ka at kakulangan na rin ng kaalaman sa sakit na dinanas mo. Promise, hindi na mauulit iyong kapabayaang iyon. Priority ko na ngayon ang pamilyang ito... salamat sa call! Happy Second Birthday... I LOVE YOU :)

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento