Linggo, Disyembre 16, 2012

Gaano Man Katayog Ang Taas Ng Kawayan... Yumuyuko Pa Rin - Mam M


Maraming bagay tayong nararanasan sa ating buhay araw-araw... yung iba luma na pero madalas parating bago. Yung bagong ito ang madalas nating ipinagmamalaki, lalo't tayo lang o ilan lang tayong nakararanas ng ganito o ganyan. 

Minsan ginagamit natin ito para ipantapat sa ibang may bago rin... Maari itong bagay tulad ng mga bagong modelo ng cellphone, computer, tablet at iba pa... pwede ring magandang girlfriend o gwapo at matangkad na boyfriend. Inilalaban din naman ng ilan ang hindi kagandahan o kagwapuhan nilang kasintahan... pero mayaman o bigatin sa lipunan.

Marami rin naman ang ipinagmamalaki ang kanilang tinapos... madalas nilang ibida na tapos sila ng kursong ganito o ganyan... yung iba naman lalo pang pinag-iibayo ang kanilang katanyagan sa edukasyon. Ang ibang nakakuha na ng degree sa kolehiyo, ipinapapatuloy hanggang matapos at makakuha ng titulong MASTER o DOCTOR. Kapag nakuha naman nila ang mataas na titulo... hahanap naman sila ng panibagong yugto kung saan sila lalong kikilalanin ng karamihan. Madalas ganito ang nangyayari... pero hindi ko naman sinasabing lahat.  

Minsan, kapag nalasap na natin ang sa tingin nati'y wagas o halos walang nang makapapantay sa ating narating... hinahamak naman natin ang mga nagsisimula o tila humahabol sa ating yapak. Ayaw kasi nating may iba pang kilkilalanin maliban sa atin. Gumagawa pa nga tayo ng paraan para matagalan sila o tila hindi na makahabol sa ating katanyagan... pero sa kabaligtaran pala... tayo yung hindi makahabol sa kanila. 

Masarap makasalamuha ng mga taong may malayong narating o may mataas na pinag-aralan pero alam kung paano tatapak sa lupa. Madalas kasing sa sobrang katanyagan... mas pinipili na nating tumapak sa semento o di kaya't ilipad nalang sa kalawakan kung saan mas mataas tayo sa karamihan.

May isang Doctor akong nakasalamuha... pero huwag niyong subukang magpagamot sa kanya kung may sakit kayo kasi hindi niya kayo kayang gamutin... subalit kaya naman niyang lunasan kung may problema kayo sa kaalaman... duktor kasi siya ng edukasyon. Isang duktor na marunong tumapak sa lupa... at hindi ginagamit ang kanyang narating para mantapak ng tao. Isang duktor na handang maging ehemplo sa karamihan... nilalang na handang makipagsabayan sa kasiyahan ng karamihan... Siya si Mam M.

Masyado lang siguro akong natuwa sa mga ipinamalas niya... ipinakita niya kasing isa parin siyang guro at ka-level lamang namin... nung minsang may kaganapan sa paaralan. Pwede rin namang itinuring niya kaming tao at kinikilala rin niya ang aming kakayahan. Naalala ko pa nga yung isa niyang kataga: "Gaano man kataas o katanyag ang kawayan... Yumuyuko pa rin ito."

May isa kasing pangyayari na halos mawala ang aking dangal sa sarili nang makasalamuha ko ang isa pang duktor. Ibang-iba ito sa ikalawang duktor na nakilala ko dahil si Mam M ay hindi nilalapastangan ang aming pagkatao... ni hindi rin ipinagmamalaki ang kanyang posisyon para lang magpasunod ng tao... ni hindi rin namemersonal kapag hindi ka nagustuhan. Iginagalang kasi niya ang aming damdamin.

Marami pa sana akong makasalamuhang tao na tulad ni Mam M kasi nabibigyang halaga ang aking pagkatao... nailalabas ko rin ang aking kakayahan at nagbubunga mula sa mga ipinunla niya... Sabi niya kasi "Ang mga guro ang nagpupunla ng karunungan sa mga mag-aaral..." para naman sa akin... Ang mga guro ang magbibigay ng Bangka, Sagwan at Pamingwit sa mga mag-aaral... Bahala naman silang manguha ng isda.

2 komento: