Miyerkules, Mayo 9, 2012

My son's wake


Ibinalita sa akin ng aking kabiyak na nasaksihan niya kung paano malagot ang hininga ng aking anak... kung paano siya namaalam sa mundo... at kung paano siya namahinga mula sa ilang araw na pakikipaglaban niya para sa kanyang buhay.

 Nasa bahay pa ako noon para ihanda ang mga dapat dalhin sa ospital. Medyo napatagal ang pagkatulala ko sa hindi malamang dahilan o marahil namamaalam na rin sa akin ang aking anak. Ilang minuto na akong nakatulala nang tumawag ang aking kapatid para ibalita ang masama pero makabubuti sa aking anak - "Wala na raw siya!"

Kahit hindi pa bumabalik ang aking ulirat ... hindi ko naman mapigil ang luha kong nagpupumiglas sa aking mga mata. Kasama ko noon ang dalawa kong kapatid at pati sila umiyak na rin. Pinilit kong tumayo, kumilos, ihanda ang mga gamit at maligo sa banyo kung saan inilabas ko ang matindi kong drama para naman hindi nakakahiya sa madla. Ibinalita ko na agad sa katrabaho ko ang nangyari kaya't sinundo niya ako sa bahay papuntang ospital.

Hindi ko noon alam ang aking nararamdaman habang patungo ako sa ICU kung SAAN nanatili panandalian ang aking anak at sa morgeng pinaghihintayan para kunin ng mga Naghahanap-buhay para sa patay. Ilang minuto akong naglabas ng aking drama sa tabi ng aking mainit-init na walang buhay na anak. Hinaplos ko ang katawan niya, ang ulo niya kung saan parati kong hinahaplos noong nabubuhay pa siya... ang kamay na laging humahawak sa aking daliri para isubo... at mga binting parati kong pinanggigigilan dahil sa taba. Wala na siyang buhay at wala akong kapangyarihan para buhayin pa siya. Wala na rin ang life-support niya... lalo na ang hiringgilyang nakaturok sa gilid ng kanyang noo. WALA NA NGA ANG AKING ANAK!
Nakaabang din doon ang Palm of Jesus Funeral Service para kunin ang aming anak. Siyempre nagtanong muna kami sa fees na aming haharapin sa kanila... ang aking kabiyak lang noon at aking kuya ang nakikipag-ugnayan sa service dahil hindi ko pa kayang makipag-usap noon... blangko kasi ang isip ko. Sinabi nila sa akin na 3500Php ang fee at siyempre iba pa ang fee para sa paglalagakan ng aming anak... kaya pumayag na ako dahil wala namang ibang funeral service noon na nakaabang maliban sa kanila. Kasama noon papuntang funeral home ang dalawa kong kapatid at aking kabiyak para bantayan ang wala nang buhay naming anak. Tumuloy naman ako sa bahay ng mother ko para linisin at ayusin ang lugar kung saan ibuburol ang aming anak habang inaayos ang mga papeles at permit bago ilibing.

Nasa funeral home ang kabiyak ko nang ibalita niya sa akin na umabot sa mahigit limanglibo ang kabuuan ng serbisyo nila... iba sa unang napag-usapan... tinanggap ko naman iyon para lang magkaroon ng maayos na serbisyo ang aming anak. Handa na rin ang lugar ng pagbuburulan bago pa magtanghali dahil bandang alas-dos ng hapon darating ang mga labi ng aming anak. Ilang minuto naman bago ang takdang oras na pagdating ng aming anak, minarapat kong maupo dahil tila nanlalambot ang aking tuhod... dumating na nga't lahat ni hindi ko pa magawang tumayo... naiiyak ako habang nakikita ang casket kung saan naroon ang aming anak. Hinintay ko munang maayos ang lahat at kumonti ang tao bago ko sinilip... siyempre iyak nanaman!

Ilang kaibigan ang patuloy na nagbigay ng kanilang simpatiya sa amin sa una hanggang sa dulo ng burol. Una nang dumating ang aking kaibigan at ninong ng aking panganay. Sumunod naman kinabukasan ang pamilya ng aking kabiyak... Ikatlong araw nilakad ko naman ang death certificate ng aking anak sa ospital kasama na ang pagbayad sa hospital bills. Nagkita rin kami noon ng aking head para ibigay ang kaunting tulong ng Faculty Club ng NHC High School. Habang nasa ospital pa ako ng Tala, kumontak sa akin ang ka-work ng aking asawa sa TV5 para magdala ng bulaklak... pinasama ko nalang ang isa kong kasama doon para hindi maligaw sa pinagbuburulan ng aking anak dahil inabot ako ng siyam-siyam sa pagbayad ng bills... ang kupad kasi ng mga tao dun at hindi madaling makuha ang serbisyo nila. Sumunod na dumating kinagabihan ang mga ka-work muli ng aking asawa sa burol... ang mga news executives, desk and more... at midnight naman ang mga naligaw na writers, production assistance, graphics and video editors. Sumunod namang araw, dumating naman ang ilang CYM members mula sa GSC-fairview... nakapag-alay pala ng misa noong ikalawang araw ng burol,,,, doon din nabinyagan ang aking anak. A night bago naman ilibing ang aking anak, dumating naman sila Erwin at Karen Tulfo to give sympathy sa amin. Nandoon ang father ng aking kabiyak at Mother ko naman sa part ko para humarap. Nakakatakot lang kasi nagtestify si Erwin na nagkasakit din siya ng BronchoPheumonia at the age of 26 kung hindi ako nagkakamali... muntik pa umano siyang mawala sa mundo noon pero buti siya nakasurvive.
Hindi naging maganda ang wake ng aming anak sa loob ng isang linggo dahil sa malalakas na ulan na bumuhos sa tabi ng kanyang kabaong, nagkaligaw-ligaw naman ang mga bumisita at palpak ang funeral service namin. Maaga pa lang kasi inilakad na namin sa kanila ang death certificate para makakuha ng permit para mailibing kaagad ang aming anak subalit ibinigay sa amin ito miyerkules ng hapon na mali pa ang lugar ng permit to burial at pati na rin ang info sa death certificate. Huwebes ng  umaga ng pinuntahan namin ang La Loma Catholic Cemetery para tingnan ang lugar ng final destination ng anak ko at ala-una ng hapon ng pumunta kami sa Palm of Jesus funeral homes para ibalik ang mali-maling papel na nilakad nila para maiayos. Biyernes ng hapon namin nakuha ang death certificate at resibo para sa permit to burial na muntik na sanang hindi kami makabayad dahil alanganin na ang panahon at sabado ng umaga nakatakdang ilibing ang aking anak. Medyo natagalan pa ngang makuha ng kabiyak ko ang kailangang papel sa funeral homes dahil gusto nilang mabayaran muna ng buo ang fee bago ibigay ang original copies. Pero pinilit ng aking kabiyak na makuha yun dahil nakapagdown na naman ng kalahati.

Kinabukasan maaga kong pinapunta sa cemetery ang aking kapatid at tiyuhin para magbayad para sa niche at awa ng Diyos nakapagbayad naman sila at kami na lang ang inaantay doon. Hindi kasi pwedeng magbayad sa niche hangga't walang permit to burial. 

Alas-diyes ng umaga nakatakdang umalis sa burulan ang aming anak patungo sa kanyang puntod. 8:45 ng umaga ng magtext ang funeral service para alamin kung tuloy ang libing that day at kailangan pa noon na tawagan ng aking kabiyak ang management ng funeral service para sunduin ang bangkay. Pasado alas-diyes na nung dumating ang service at bayad ang bungad nila kaya naman binayaran ko na para wala ng problema.

Paalis na kami noon at hindi pa nakakalayo sa pinagburulan ng biglang tumurik ang karo ng patay... naubusan daw ng krudo... at kailangan pa naming singhalan ang management para madaliing maayos ang palpak na karo... medyo pinaghintay naman kami halos dalawang oras sa kalsada bago nailipat sa ibang karo ang mga labi ng aking anak... Nakakahiya lang dahil nagbigay kami ng matinding traffic dahil sa pagtirik ng karo. Nang mailipat na, tuluy-tuloy na ang biyahe ng aming anak patungo sa sementeryo at pagkabalik namin, nakita pa namin yung karo na nakatirik pa rin sa tabi ng daan. Nakakalungkot lang kasi hindi ibinigay ng funeral service ang maayos na serbisyo sa amin sa kabila ng hindi sila namroblema sa bayad namin. Sinira rin nila ang usapan na mula sa 3500Php na bayad naging 6500Php ang kabuuang serbisyo. Puro pa bayad ang bukang-bibig nila na animo'y dudugasin namin. Sana lang hindi maulit ang kapalpakan nila sa amin mula sa maling information sa death certificate, burial permit, contract fee, tumitirik na karo at pera pera business!

Nairaos ang libing sa kabila ng maya't mayang problema... tulad ng anak ko, nahirapan siya ng sobra sa sakit niya bago pa man bumuti at kinuha na ni Lord. Sa mga nagbigay ng simpatiya, ang turo ng mga matatanda, bawal daw maghatid sa mga bumisita at bawal magpasalamat sa mga tumulong kaya naman para sa inyo: Erwin and Karen Tulfo, TV5 News Executives and Desks, Reportes, Writers, PAs, Graphic artists, Video Editors, NHC High School faculty club, Sol Pormento, UCC Polsci Family, Alivio Family, Canillas Family, Almonicido Family, Relatives, Friends, Corinthian Youth MOvement - Fairview, Greg Causing, Precy Gonzalvo, Phase 4 Package 1 Core Group and Barangay Tanod with their Purok, 4 P's and company and neighborhood... GOD KNOWS WhaT WE WANT TO SAY! GOD BLESS ALL!!!

2 komento:

  1. Hanggang ngayon I couldn't pretend na okay na ako... mahirap talagang tanggapin ang nangyari... minsan parang pakiramdam ko e hiniram lang siya sandali at ibabalik mamaya... hindi maramdamang kinuha na siya ni Lord dahil buhay na buhay pa siya sa aking isipan! Lord help us how to accept this:(

    TumugonBurahin
    Mga Tugon
    1. iyon cguro ang kapalaran ng tao hindi lang sayo nangyari yon hindi lang ikaw napakaraming ina ang nahihiwalay sa anak sa hindi inaasahan na kahit ayaw natin tanggap lang ang kailangan nating gawin

      Burahin