Linggo, Mayo 20, 2012

A good Public School


Taun-taon nang problema sa pampublikong paaralan ang kakulangan ng mga pasilidad gaya ng upuan, classroom, pisara, bentilador at maging ang mga gurong nagtityagang linangin ang kaalaman ng mga mag-aaral dahil sa animo'y kakulangan umano sa pondo mula sa pamahalaan. Hindi ito lingid sa kaalaman ng karamihan lalo na sa mga taong mismong saksi sa mga pangyayari.

Taun-taon ding tumutugon ang pamahalaan sa mga problemang ito ng mga paaralan sa bansa. Ganunpaman, hindi pa rin nagiging wasto dahil sa patuloy na pagdami ng populasyon at tila hindi makayanang matrikula kung sa pribadong paaralan naman ang ilan papasok. Maluwag naman kasi ang pasilidad sa mga pribadong paaralan hindi tulad sa pampublikong paaralan na halos magsiksikan na ang mag-aaral para lamang matuto.

Ibang-iba ito sa aking nasaksihan sa pinapasukan kong public school. Kabaliktaran kasi ang sitwasyon dito. Maluwag ang pasilidad; Minsan mas marami pa ang upuan kaysa mag-aaral; sapat ang guro para sa ratio na 1:40 o isang guro sa apatnapung mag-aaral; may speech laboratory; science laboratory; computer room; at sapat na silid-aralan para sa mga mag-aaral.

Hindi ko mawari kung bakit mas pinipili ng ibang mga estudyante na makipag-siksikan sa over populated na schools samantalang malapit lang ang aming paaralan sa kanila at napakaluwag para naman sila matuto ng maayos. Kaya naman, ang suhestiyon ko lamang dito ay dapat nagkakaalaman ang mga pinuno ng mga paaralan para magkaroon ng pantay na bilang ng mag-aaral kada eskwelahan. Para rin naman ito sa kapakanan ng mga estudyante.








Sa katunayan nga, itong nakaraan lamang na enrolment... halos langawin ang aming lugar kung saan ginaganap ang enrolment. Sa aking pwesto nga ay apat kada araw na mag-aaral lamang ang nailista ko para ma-enrol samantalang ang balita ko sa ibang paaralan ay halos umabot sa maghapon ang mga estudyante para maka-enrol dahil sa dami ng enrollees. Sana mapansin ang aming paaralan ng karamihan at malaman nilang mas madaling matuto ang mga mag-aaral kung kumpleto ang pasilidad ng paaralan na papasukan nila. Nagmumukha kasing pribadong paaralan ang aming school kahit na pampubliko ito dahil sa maliit na bilang lamang na mag-aaral ang gustong mag-enrol dito.

1 komento: