Linggo, Mayo 6, 2012

A Day Before my Son's Wake!



Marami ang nangyari na hindi maipaliwanag ninuman. Kasama rito ang supernatural, natural at sinadyang gawin.

An afternoon before the death of my son, umulan noon ng pagkalakas-lakas kasama ang malakas na hangin at YELO mula sa kalangitan. Natuwa ako noon kasi inaasam kong magkaulan para naman guminhawa ang pakiramdam ng aking anak sa init ng panahon pero huli na ata nung dumating. Kinagabihan, pinilit kong umuwi ang aking kabiyak upang magpahinga muna dahil sa nauubos na ata ang kulay niya sa kanyang balat. Bago pala siya umalis, sinubukan niyang bumulong kay baby Cyrus na hintayin siya. Hindi ko kasi magawa noon na hawakan ang aking anak habang lumalaban para sa kanyang buhay. Sobra kasi akong natatakot na biglang malagutan ng hininga habang hawak ko ito o nasa aking paningin. Mother ko ang nagpunas sa aking baby habang may oxygen at dextrose na nakakabit sa kanyang ulo at naghahabol ng kanyang buhay. Pasilip-silip lang ako noon para makita ang bahagyang pangyayari at kung may kailangang bilhin sa pharmacy para iturok sa kanya.

Nasa bahay na noon ang aking kabiyak nung parating nagtetext na sabihin sa aking anak na "hintayin kami pagbalik at mahal na mahal namin siya ni kuya Mamark." Hindi ko iyon maibulong sa aking baby dahil naiiyak ako sa kanyang kalagayan. Kasabay nun ang pakikipag-kwentuhan ko at tawanan sa aking kapatid at ka-trabaho para naman medyo gumaan ang aking nararamdaman. Kasabay din noon nang may dumaang bangkay na pasyente mula sa ward at idinala sa morgue na malapit lang sa aming pwesto noon. Nagkakabiruan pa nga na baka yung kasama ko ang sunod kunin ng funeral, ako naman ay taimtim na nagtatanong na baka anak ko ang isunod nilang dalhin sa final destination.

Madaling araw na ng pinabalik ko ang aking kabiyak para magbantay at umuwi na rin ang aking katrabaho at isang kapatid. Stable pa noon ang kalagayan ni baby dahil bumaba ang lagnat niya at kinumutan nalang ng mother ko para hindi malamigan. Hininto na kasi ng mother ko ang pagpupunas para bumaba ang lagnat dahil mababa na naman ang lagnat di tulad before na umabot sa 40.3 degree celsius at tumagal sa 39 degree celsius kasabay ng kombulsyon.

Nauna munang umuwi ang kapatid ko kasama ng kabiyak niya at pagbalik kasama na ang kabiyak ko at isa pang kapatid para umalalay kung may kailangang bilhin. Uuwi kasi ako para magpahinga at magdala ng gamit na pwedeng gamitin sa ospital. Maayos naman ang pigura ng kabiyak ko nung bumalik dahil siguro sa pahinga kaya nagdesisyon na kaming umuwi ng mother ko.

Hindi pa kami nakakalayo noon nung magtext at tumawag ang kapatid ko na natataranta ang mga nurse sa baby ko... may pagbaba kasi sa vital signs niya pero umige rin naman eventually kaya tumuloy na kami sa paguwi. Sa bahay naman, hindi ko alam kung bakit takot na takot ako sa loob. Basta't may pakiramdam ako na kakaiba na hindi maipaliwanag kahit pa may kasama ako dun na kapatid ko na tulog na. Kakaiba ito dahil minsan mas gusto kong mag-isa sa loob ng house para matapos ko ang aking gawain pero that time parang gusto kong binabantayan ako ng kapatid ko bago at habang natutulog. Siguro dahil sa sobrang pagod ay nakatulog agad ako.

NUng magising naman ako, takot nanaman ang naramdaman ko. Hindi ako mapakali sa bahay at kasabay noon na kinakabahan ako sa ospital nang sandaling tumawag ang kapatid ko at sabihing natataranta nanaman ang mga nurse sa anak ko. Dapat nga palagay ang loob ko dahil nandun ang aking kabiyak pero iba talaga ang mga oras na yun. Tumawag muli ang kapatid ko na natataranta muli ang mga nurse at umiiyak ang aking kabiyak, mga 6:00 am pa noon. Pinapapunta rin ako noon sa ospital para samahan ang aking kabiyak pero kailangan ko pang ayusin ang gamit bago pumunta dun. Ilang oras lang naman ang tulog ko kaya natutulala pa ako noon. Hanggang sa ibalita na sa akin na huminto na sa paghinga ang anak ko at mahirap nang i-survive. Lalo akong natulala at hindi malaman ang aking gagawin... kasabay noon ang hindi ko mapigilang pagluha. Hindi ko maitago ang nararamdaman ko lalo't anak ko ang binawian ng buhay sa kabila ng effort namin na iligtas siya. Ibinalita na rin namin sa mother ko at other relatives ang nangyari para makatulong na magdasal para malinawan kami sa aming gagawin at matanggap ang pangyayari. Super blangko ang isip ko noon at ang tanging nasa isip ko'y mayakap at mahalikan ang pumanaw kong anak. Ikinuwento rin ng aking kabiyak na kinarga niya ang baby namin bago ito dalhin sa morgue at siya mismo ang nagdala dun habang blangko rin ang isip.

1 komento:

  1. Anak, saan ka man naroroon... Mahal ka namin nila Daddy Kris, Mommy Maryan and Kuya Marky:)

    TumugonBurahin