Linggo, Abril 15, 2012

CYM visiting


Sa wakas nakarating muli kami sa lugar kung saan kami nagsimula.... simulang sinubok ng tadhana!

Nagkakilala kasi kami sa isang lugar kung saan ang lahat ng mga tao ay natututong lumuhod para magdasal sa bandang norte ng NCR kung manggagaling ka ng Manila. Aksidente lang kasi noon ang lahat kung saan napasama ako sa mga delegado para dumalo ng isang seminar ng kabataan.... Bata pa rin naman ako noon hindi tulad ngayon na palabas na ako sa kalendaryo.

Isang grupo noon ng taga-simbahan ang yumaya sa akin para maging seed ng isang bagong grupo ng kabataan sa aming parokya. Kailangan lamang na dumalo muna kami sa isang seminar upang malaman at maunawaan namin ang padaloy ng seminar na yun. Corinthian Youth Movement ang pangalan ng grupo, in short CYM. 

Sa seminar na yun kami nagkakilala ng aking kabiyak. Hindi naman noon seryoso ang bawat bagay dahil puro Diyos ang nasa utak namin at kung paano maipalalaganap ang salitang aming nalaman doon. Halos tatlong araw din ang itinagal ng seminar at maliban pa doon walang uwian dahil may mga poster parents ang nag-aabang sa amin pagkatapos ng kada sesyon. Matapos naman ang kabuuan ng seminar ay kailangan naman naming dumalo sa lingguhang Prayer Meeting para naman lalong tumibay ang aming pananampalataya sa Diyos.

Maliban pa doon, sinimulan na rin naming buuhin ang grupo para kami naman ang magpadaos ng katulad na seminar sa aming lugar. Syempre, kailangan muna namin ang kanilang gabay para naman hindi kami magkamali sa aming gagawin. Ako naman ang nahirang na unang Teenlead sa 2nd batch ng seminar sa aming parokya. Dito naging kawili-wili ang aming gawain dahil hindi lamang nakakatulong sa aming kapwa-bata ang aming ginagawa kundi lalo pa nitong napapalalim ang aming pananampalataya. Nagparaos din kami ng weekly prayer meeting sa aming lugar habang ang ilan ay dumadalo pa rin sa norte para may presensya kami. Kasama ako sa mga dumadalo sa norte at doon ay medyo napapalalim ko ang ugnayan ng aming grupo sa kanila at sa isang taong nagpapansin na sa huli'y kapansin-pansin.

Hindi nagtagal at medyo napagod kami sa pagpunta sa norte dahil sa budget at oras na kulang sa panahong iyon kaya naman hindi na kami nagkikita ni ate. Sa text nalang kami nagkakaroon ng ugnayan hanggang sa tuluyang maging kami. Naglie-low rin ang aming grupo dahil sa kanya-kanya naming aktibidad sa aming personal na buhay kaya naman hindi nagtagal ay tuluyang nawala kami sa community subalit hindi ang ugnayan sa text.

Lumipas ang maraming taon at nakatapos na ako sa kolehiyo nang maisipan na naming magbuklod at gumawa ng amin para cool. Sa panahong ito'y hindi namin magawang magpakita sa kanya-kanya naming grupo hanggang sa dumami kami sa aming personal na grupo at maging busy para sa panlaman ng aming tiyan.

Kamakailan lang ay nakapagbigay ng commitment ang aking kabiyak sa dati naming grupo para dumalo o bumisita man lang. Dito pinag-usapan namin kung sino ang pupunta at kailan hanggang sa dalawa na kaming magkasama para bumisita. 

Nakakatuwa lang dahil pagpunta namin doon ay mainit ang pagtanggap sa amin at tila ba'y nabuhayan sila ng loob. Habang kausap nila ang aking kabiyak, sinikap ko namang libutin ang hardin ng cathedral para tingnan ang dati naming tagpuan at ang lugar ng adorasyon na minsa'y nagtapat ako ng aking nararamdaman. Nakakatuwang isipin na matapos ang halos kalahating dekada ay nagawa naming mag-serve kahit sa maikling panahon lamang.

Hangad ko rito ang patuloy naming komunikasyon sa kanila para naman hindi kami mawala sa simbahan at maging ehemplo kami sa iba pang kabataan.


1 komento: