Biyernes, Marso 2, 2012

Ang Pangyayari sa Encantacia


Hindi naging maganda ang araw na ito dahil bukod sa sobra akong kinabahan kanina... masakit ang tuhod, balakang at halos buo kong katawan ngayon. Medyo hindi pa rin ako maka-get over sa nangyari ngayon araw.

Nasimulan kasi ang araw ko ng pasaway na driver at pasahero... walanghiya kasi yung pasahero at mukhang nanghihinayang na itapon ang sigarilyo niya kaya dinala sa loob ng jeep. Hindi naman kami maka-imik kasi mukhang lasing at mukhang ignorante sa kalakaran. Yung driver naman mukhang naglalakbay sa kalawakan at pakiramdam siguro wala siyang sakay kaya dahan dahan lang niyang pinaandar ang kanyang jeep at muntik na akong ma-late nanaman! Yung driver naman ng tricycle bawat kanto humihinto... siguro akala niya bababa na ako samantalang sinabi ko na ang destinasyon ko bago pa ako sumakay.

Sa trabaho naman pasaway ang ilang mga binabantayan ko dahil mukhang nasanay sa pagtingin sa sinasagutan ng iba at mahilig maki-share ng sagot. Pero nabilinan ko naman sila ng dapat nilang gawin. Sa desk ko naman, puno ng papel na dapat suriin para mairekord sa aking talaan.

Ang best story naman ay yung isang kataas taasang lipunan ang humingi ng tulong para tawagin ang isang nilalang at maya-maya naman yung karwahe na maghahatid sa kanya sa encantacia. Dahil medyo mataas at malaki ang gown ng kataas taasan.. sinikap kong tumulong at akin siyang binuhat upang hindi marumihan ang mamahaling gown papuntang karwahe at mula sa karwahe ay sumabit ako sa gulong para maihatid siya sa encantacia dahil ako ang nakakaalam ng daan at ako rin ang may hawak ng susi para siya makapasok. Nagbigay pugay naman ang mga alagad doon nang kami ay dumating at agad siyang binigyan ng kaukulang ritwal upang siya ay masiyahan.

Naghintay muna kami ng ilang minuto bago siya iniwan... kinakailangan daw kasing masilayan namin ang ganda ng kanilang ritwal para naman maiparating naman namin sa aming kaharian. Mukha namang magtatagal ang kataas taasan sa encantacia ng isang gabi o isang araw at depende pa rin sa kanya kung gusto na niyang bumalik sa kanyang kaharian.

Sa aming pagbabalik sa nasabing kaharian, nakaabang ang ilan para alamin ang nangyari o presentasyon ng mga engkantada at sinabi ko nalang na alamin nalang sa isang diwata dahil yun ang mas nakakaalam. Ginawa ko rin ang aking tungkulin at umuwi na rin sa aming banwa nang makatapos ako.

Sa aming banwa naman hindi ko makita ang bolang kristal kaya naman nag-ikot ikot ako para mahanap yun.

1 komento:

  1. nakakatakot talaga ang ganitong pangyayari kaya dapat laging umiinom ngb tubig sabay sigaw ng hmmmmm........................

    TumugonBurahin