Biyernes, Agosto 19, 2011

NOON... NGAYON... BUKAS!


Hindi pa rin ako maka-recover sa mga experiences ko na yumurak sa aking pagkatao. Minsan ninanais ko na maiba naman ang daloy ng buhay ko subalit muli't muli bumabalik ang nakaraan na talaga namang nagbibigay ng reaksyon sa aking ordinaryong pamumuhay. Nasubukan ko namang maiba ang aking kinakain, ang aking sinasalita, ang aking ugali, ang aking pananaw, at ang aking dapat ay paghihiganti subalit nauwi sa PABAYAAN NA LANG ANG MGA YAN!

Pinangarap ko noon na makatapos ng aking pag-aaral kahit pa mahirap o kahit wala akong baon. Mahirap lamang kasi kami. Pero sinubok ko namang gawin ang aking makakaya para naman hindi kami alipustahin ng ninuman na nakaka-angat sa aming estado sa lipunan. Naranasan naming maging walang-wala at ultimo bagay na itatapon na ay kunwaring kawang-gawa na ibibigay sa amin para makatulong... yun pala mabawasan lang ang basura ng kanilang bahay. Nasubukan ko rin naman na kumain ng dalawang beses isang araw pero hindi nito napigil ang pagnanasa kong makatapos sa aking pag-aaral.

Nakatapos ako hanggang kolehiyo pero sa mga kursong hindi ko naman talaga gusto at pawang tadhana lamang ang nagdala sa akin dito. Hindi naging mabuti ang aking lagay habang ako'y nag-aaral dahil kaliwa't kanan ang mga batikos at problema sa buhay. Ito naman ang nagpatibay at nagpatatag ng aking pundasyon para tumayo sa lupa. Hindi biro ang mga bagay-bagay sa kapaligiran lalo't salat at tila ba patay-gutom kang maituturing subalit ginawa kong matigas ang aking direksyon na tatahakin at anupaman ang sabihin ng iba... pinaghirapan ko ang bawat talino o karunungang aking nakamtan.

Hindi ko matanggap sa sikmura ko noon ang mangopya dahil tila lihis ito sa aking prinsipyo na maging parasite ninuman. Sarili kong sikap ang ginawa ko... kung magkataon man na may tao akong nilapitan ay panahon iyon ng aking kawalan at hindi kayang tumayo sa aking kinalalagyan. Talamak ang mga bobo't subalit ma-prinsipyong tao noon pero hindi naman ako isa d0on... dahil gusto kong may sarili akong pagkakakilanlan - ANG TAONG SUSUNOD NA SA BATAS, LABAG MAN O HINDI SA AKING KALOOBAN!


Sa dami ng aking dinanas, heto ako ngayon, gumagawa ng sulatin para ma-praktis ang kakayahang unti-unting kinakalawang. Mapatalinghaga ako kung mangatwiran na naging hadlang naman para ako'y matanggap sa aking inaaplayan. Yun ang pinakamasakit dahil alam kong kaya ko pero hindi nila malaman kung kaya ko nga!

Dati madalas akong magbasa ng libro na tila ba isang araw ay kulang kung hindi ko matapos ang pahina na gusto kong mabasa... ngayon, tinatamad na akong magbasa at kulang ang araw ko lalo't naka-iskedyul akong magbasa ng pahina kahit isa man lamang.

Nakakalungkot isiping iba na ang takbo ng isip ko ngayon... mahina na sa memorya, mahina pang dumiskarte. Ito ang resulta ng pagnanasa ko noong mabago ang aking pamumuhay, HINDI NGA HIRAP SA BUHAY, BOBO NAMAN!


Sa ngayon, pinipilit kong ibalik ang dating ako na malakas dumiskarte at matatag ang kumpiyansang maabot ang ninanais ko sa buhay. Hindi ako bahagyang masaya sa kalagayan ko ngayon, basta ang alam ko, nasa kalendaryo pa rin ako na siguradong marami pang mararating sa buhay kung magsisikap akong ibalik ang aking kakayahan at subukang muli na mabuo ang ako na noo'y matatag at maraming gustong marating.

Tama na ang bakasyon sa buhay dahil sa sobrang kasiyahan, naging batugan at bobong tuwiran!

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento