Biyernes, Hulyo 22, 2011

MAtapos ang kaarawan ni Marky!

video

Anim na araw na ang nakalipas mula ngayon nang magdiwang ng kaarawan ang aming unang anak ni  Maryan na si Marky. Sa awa ng Diyos nasa mabuti siyang kalagayan at malusog kung makikita mo lamang. Normal naman siyang kumilos gaya ng pangkaraniwang bata subalit kakaiba kapag manood ng telebisyon dahil hindi niya pinalalampas ang anumang komersyal sa telebisyon. Hindi ko alam kung bakit siya ganun ka-interesado na tila ba hindi pai-istorbo kapag may commercial sa TV. 

Sa ganitong paraan naalala ko noong pinagbubuntis pa siya ng kanyang ina. Nagtatrabaho kasi ang mommy niya sa dalawang istasyon, NBN 4 at IBC 13, bilang newswriter at video editor. Nakasama ko rin ang mommy niya sa IBC 13 dahil nagtrabaho ako dun bilang Newswriter at minsa'y graphic artist kung wala ang taong nakadestino doon. Masaya ang buhay naming magkasama noon kahit maliit pa lamang ang aming sweldo dahil kaya naman para makakain kami ng sampung beses isang araw... siyempre kasama na rin ang luhong pagkain.

Sa umaga noon gigising si Maryan ng alas-dos para pumasok sa NBN 4 at lalabas ng istasyon mga alas-otso ng umaga at tutuloy sa IBC 13 para naman sa pangalawa niyang work bilang newswriter. Sa panahong iyon ipinagbubuntis niya si Marky kaya naman siguro medyo interesado ang bata sa mga palabas. Minsan kasi mabusisi ang mommy niya sa mga video ng mga reporter o di kaya'y natutuwa o nagsa-suggest ng mga video na akma para sa balita. Sa panghapong news nakapokus ang trabaho ni Maryan habang sa panggabi naman ako nakapokus pero minsan natatapos ko ang aking tasks bago pa man ang ala-sais ng gabi kaya naman nakakasabay ako sa kanya pero kung hindi naman e gabi na ako nakakauwi sa bahay at dun naman siya naghihintay sa akin.

Nasanay kami sa tagpo sa media at medyo kritiko na rin sa mga pagkakamali ng ibang istasyon o mismong istasyon namin pero sa aming saloobin lamang yun kasi mahirap nang mapag-initan ninuman. Minsan din lumalabas si Maryan para mag-cover ng news at palagiang nagvo-voice over sa mga report na mahalaga o absent ang reporter na nakadestino roon.

Dito maaaring nakuha ni Marky ang kanyang interes na panoorin ang palabas sa telebisyon... pero bakit commercial lang??? e sa news kami nasanay??? siguro iba naman ang bit ni marky. At malamang balang-araw magtrabaho rin siya sa media o anumang pwesto sa isa sa mga malalaking istasyon sa bansa. Pangarap ko rin naman sa kanya ang magtrabaho dun dahil sa mga interes na ipinakita niya habang infant pa. Nakakatuwa nga minsan kasi kapag nagsimula na ang willing willie pa noon e bigla nalang tatayo at magsasayaw si marky o di kaya sa tanghali kapag may eat bulaga at  may kantahan, sasayaw at papalakpak din siya.

Sa ngayon, masaya ang baby namin sa kapapanood ng mga commercial at napansin din namin na medyo nanonood na siya ng cartoons lalo na ang batibot at mickey mouse. Madalas na rin siyang naglalakad at sumasayaw sabay padyak gaya ng ginagawa ko kapag super saya ng palabas... gaya-gaya lang.... hehehehe.

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento